HOME | DD

jluna — Oda sa Diyosa ng Pagkawasak by-nc-nd

Published: 2009-07-22 15:00:17 +0000 UTC; Views: 739; Favourites: 0; Downloads: 23
Redirect to original
Description Siya ang nagdidikta,
kung ano ang tama at nararapat-
para sa kanya.
Siya ang maglalapat at naglapat ng kalsadang kanyang tinawid o tatawirin patungo sa
nais na patunguhan o balikan.
Siya ang tagapagpatag ng daan na kanyang tatahakin.
Sa gitna ng kasukalan,
hahawiin niya ang aking kamay at tatanggihan ang alok na tulong at maginoong pag-akay.
Di siya bulag, di siya bingi
Di siya manhid.
Alam niya.
Alam na alam niya ang daan.
Alam niya dahil
kanya ang mundong kanyang pinamamahayan at nais kong pamugaran.
Kanya at tanging kanya lamang.
Kanya lamang at kailanman ay hindi mapapasakamay ng kahit sinuman.
Kanya,
at di niya pababayaang gambalain ng aking mga bulong at buntong hininga ang
matayog na paglipad ng kanyang guni-guni at mga
pangarap--
ang pag-inog ng kanyang kaluluwa.
Siya lang,
ang may kakayahang pabilisin at pabagalin ang daloy ng kanyang ilog ng Styx at sapa ng Lethe,
ang bilis o bagal ng pag-agos ng kanyang kamalayan...
Siya ang magsasabi kung kelan o kung bakit kailangang dumaloy ito patungo sa malawak na karagatan,
na siya rin ang nagpapa-alon...
Na siya rin ang nagbibigay ng babaw at lalim.
Ang lalim at babaw ng kamalayan at kaluluwa na kahit kanino'y hindi niya iaalay o isusuko.
Tanging kanya, at kanya lamang...
Siya ang magsasabi kung ang langit ay magiging
nakakasilaw na liwanag o sadyang bulag na karimlan.
Siya ang magsasabi kung may araw o unos-
at alam niya ang nararapat na oras para dito.
Ang tamang oras upang pasikatin ang araw sa kanyang tag-sibol,
o paguhuin ng kanyang malakas na hangin at bagyo ang anumang bagay na humihinga't may buhay sa kanyang paraiso, sa panahon ng kanyang tag-ulan.
Siya ang buhay
at Siya ang kamatayan sa isang paraisong nakalaan lamang para sa kanya.
Dahil siya ang nakakaalam ng inog ng kanyang mundo.
Dahil siya ang nagpapainog ng mundo.
Hindi ako, hindi ang kahit sino.
Siya lamang, tanging siya..
Siya ang nagsulat at magsusulat ng tula at kuwento.
Siya ang maglalapat ng bugtong at salita.
Ng sukat at ritmo.
Siya ang bukal ng hindi masasaid na inspirasyong kanyang pinaghuhugutan ng hininga.
Ang maglalapat ng tuldok,
ng tandang pananong
ng kuwit
At ng nagaalimpuyong tandang pandamdam.
Siya ang magsasabi ng simula at ng katapusan.
Siya ang panaginip at siya rin ang pagkagising...
Siya ang simula at ang wakas ng isang pangarap na inakala ko'y maaaring mapagsaluhan sa isang piging ng mga magagandang panaginip.
Siya ang pluma at papel, at ako'y isang tuldok lamang na nagnanais na magkaron ng papel na gagampanan sa dulang kanyang patuloy na isinusulat.
Sa bawat hininga, sa bawat pintig ng puso--
Sa bawat tawag ng laman at masidhing pagnanasa
Sa bawat sigaw at sa bawat bulong--
Sa bawat halakhak at taghoy mula sa pait ng hinagpis
Tanging Siya lamang
Siya
At ako'y isa lamang mortal na nilalang na walang kayang gawin kundi ang lumuhod at humalik sa kanyang mga paa-
Upang magpasalamat sa buhay na Siya ang nagpahiram,
na anumang oras ay maaari niyang kitilin at bawiin.
At ako ay walang magagawa, dahil Siya ang lumikha,
At siya rin ang dahilan kung bakit kami ay narito.
Ang "kami" na dulot lamang ng aking kahibangan.
Sapagkat para sa kanya,
ang Diyosa ng aking pagkawasak-
ang "kami" ay mananatiling nahahati sa "siya" at "ako",
sa isang mundong tanging kanya lamang.
Related content

[ TEXT ]


jluna - Niig
Comments: 2

frantzwah [2009-07-23 03:16:17 +0000 UTC]

"Siya ang buhay at Siya ang kamatayan sa isang paraisong nakalaan lamang para sa kanya."

...ayus!

👍: 0 ⏩: 1

jluna In reply to frantzwah [2009-08-02 03:40:32 +0000 UTC]

Wasak! Salamat.

👍: 0 ⏩: 0